Iniahayag ng Pork Producers Federation of the Philippines na posibleng tumaas ang presyo ng baboy sa inaasahang pagdami ng demand sa pagpasok ng “ber” months.
Mula sa kasalukuyang farm-gate price na ₱190 kada kilo, maaaring umabot ito sa ₱230 kada kilo, na posibleng magpataas ng retail price sa halos ₱350 kada kilo.
Ayon kay Eric Harina, pangulo ng grupo, ito’y normal tuwing patapos na ang taon, kung kailan lumalakas ang konsumo ng karne lalo na sa mga selebrasyon.
Dagdag pa ni Harina, kahit mababa pa ang presyo sa farm level, nananatiling mataas ang retail price sa mga pamilihan—umaabot pa ito ng ₱330 hanggang ₱380 kada kilo.
Kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ay ang mahinang produksyon ng baboy dulot ng patuloy na banta ng African Swine Fever (ASF) at pag-aantay ng industriya sa komersyal na paglabas ng anti-ASF vaccine.
Apektado rin ang suplay dahil sa mga sakit na karaniwang tumatama sa mga alagang baboy tuwing tag-ulan, tulad ng buwang Hulyo at Agosto.
Bukod pa rito, mas pinipili ng ilan ang imported na baboy na mas mura—naglalaro sa ₱240 hanggang ₱300 kada kilo—kumpara sa lokal.
Iminungkahi ni Harina ang pagtanggal sa sistema ng middlemen at ang pagpapahusay sa direktang pagdadala ng produkto mula bukid hanggang pamilihan upang mas mapababa ang presyo ng lokal na baboy sa mga mamimili.