Inihayag ni Cathy Estavillo ng grupong bantay bigas, bago pa man mailabas ang Executive Order No.62 na nagbababa ng taripa ng bigas mula 35% tungong 15% ay agad na naglabas ng pahayag ang nasabing grupo na nagsasabing hindi makakaasa ang mga mamimili sa nasabing EO.

Ayon sa kanila, isang artificial na pagbaba ng presyo ng bigas ang ipinatupad, na nakadepende pa rin sa availability ng bigas at sa umiiral na presyo ng bigas sa pamilihan.

Inilahad ng Bantay Bigas na ang mga hakbang na ito ng gobyerno ay hindi tunay na makakatulong o magiging solusyon sa malawakang panawagan ng mga mamamayang Pilipino na nais makita ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mas makatarungan at abot-kayang halaga.

Sang ayon rin si Estavillio sa tamang ginawa ng Kongreso noong nakaraang hearing kung saan nakita nila na kahit ipinapangako ng NEDA na bababa ang presyo ng bigas mula ₱5 hanggang ₱7 kada kilo sa pamamagitan ng pagbaba ng taripa, hindi ito natupad.

Sa halip, tumaas pa ang presyo ng bigas ng 9.6% sa mga natitirang stock na umiiral.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Estavillo, kung talagang seryoso ang gobyerno sa proteksyon ng mga magsasaka, ay marapat lamang na ibalik ang dating rate ng taripa bago ipasa ang Republic Act (RA) 11203, kung saan ang taripa ng bigas ay 50% mula sa mga bansang Asian, at 80% naman mula sa mga non-Asian countries. Ang mataas na taripa sa mga non-Asian countries ay ipinasa upang matiyak na protektado ang lokal na produksyon ng bigas sa bansa.

Subalit, nang naisabatas ang RA 11203, binaba ito sa 35%, dahilan para dumami ang mga nag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa, na nagdulot ng negatibong epekto sa lokal na produksiyon.

“Kaya naman tumaas ang suplay ng imported na bigas sa ating merkado, ngunit hindi nito nakokontrol ang presyo ng bigas sa mga pamilihan,” dagdag ni Estavillo.

Payo ni Estavillo, ang gobyerno ay dapat magpokus sa mga hakbang na magpapaigting sa suporta sa mga lokal na magsasaka, kabilang na ang pagbabalik sa mataas na taripa sa mga imported na bigas, upang matulungan ang mga magsasaka at mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.