PHOTO CREDIT: DA-REGION 2

TUGUEGARAO CITY-Inaasahan na umanong bababa ang presyo ng gulay sa rehiyon dos sa pagpasok ng buwan ng Marso.

Ito ang tiniyak ng Department of Agriculture (DA)-region II dahil nag-uumpisa nang mag-ani ng kani-kanilang mga panananim ang mga magsasaka.

Ayon kay Narciso Edillo, Executive regional director ng DA-region 2, patunay dito ang pagtaas ng volume ng gulay na naipapasok sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT).

Aniya, nasa mahigit 500 metric tons kada araw ang naipapasok sa NVAT na mas mataas kumpara sa 400 metric tons kada araw nitong buwan ng Enero.

Sinabi ni Edillo na malaki ang naging epekto ng naranasang kalamidad nitong nakaraang taon kung kaya’t hindi agad nakapagtanim ang mga magsasaka na dahilan nang pagbaba ng supply ng gulay sa merkado.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, nanawagan si Edillo sa mga magsasaka na sundin ang good agricultural practices kung saan ipinagbabawal na ang pagspray ng anumang chemical sa mga gulay isang linggo bago ito anihin para mapababa ang pesticides residue.

Tuloy-tuloy naman ang pag-iikot ng ahensiya katuwang ang local price coordinating council sa mga palengke para matiyak na nasusunod ang tamang presyo ng mga produkto.