Bahagyang tumaas ang presyo ng ilang noche buena products habang may mga bumaba at mayroon din namang nanatili sa kanilang presyo batay sa monitoring ng Departmnent of Trade and Industry sa Cagayan Valley.
Ayon kay Serafin Umoquit, Senior Trade and Industry Development Specialist, nagpapatuloy ang isinasagawang lingguhang price at supply monitoring ng ahensya sa mga noche buena items upang siguraduhin na sumusunod ang mga tindahan sa itinalagang price guide.
Ang ilang produkto aniya na bahagyang tumaas ang presyo ay pasok pa rin naman ito sa price guide ng DTI habang magkakaiba rin ang presyo nito sa ilang lalawigan sa rehiyon dos
Sinabi ni Umoquit na sa kanilang patuloy na pag-iikot ay sapat naman ang suplay ng mga noche buena products habang wala pa umanong naitalang lumabag sa mga establisyimento at pasok sa SRP ang mga produktong mabibili ngayon sa merkado.
Samantala, kasama sa minomonitor ng ahensya ang mga tindahan ng paputok kung saan nagpaalala si Umoquit sa mamimili na suriin ang mga paputok na kanilang gagamitin sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Kabilang aniya sa dapat isaalang alang ng publiko sa pagbili ng paputok ay ang lisensya ng nagbebenta mula sa PNP at marka ng PS sa produkto at kung kasama ito sa listahan ng legal na paputok.
Dagdag pa rito ay bukas aniya ang kanilang tanggapan at ipagbigay alam sa kanila kung sakaling may makitang paglabag sa mga tindahan.