
Kinumpirma ng Philippine Egg Board Association (PEBA) na nakararanas ngayon ang bansa ng oversupply o labis na suplay ng itlog.
Ayon kay PEBA Chairman Gregorio San Diego, bumaba ang demand habang patuloy namang nadagdagan ang produksyon ng itlog sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinaliwanag ni San Diego na isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang paglipat ng ilang hog at poultry raisers sa egg production matapos silang malugi sa pag-aalaga ng baboy at karne ng manok.
Aniya, hindi direktang epekto ito ng labis na pag-aangkat ng karne ng baboy at manok sa bansa.
Dahil sa pagdami ng imported na karne, may mga livestock raiser na naghanap ng alternatibong pagkakakitaan at pumasok sa negosyo ng produksyon ng itlog.
Ayon pa sa opisyal ng PEBA, lumobo sa humigit-kumulang 803,000 ang bilang ng layer breeders noong nakaraang taon, mas mataas kumpara sa tinatayang 600,000 lamang na kinakailangan upang matugunan ang pangangailangan ng merkado.
Dahil dito, mas maraming itlog ang napo-produce kaysa sa kasalukuyang demand ng mga mamimili.
Sa kabila nito, umaasa ang mga egg producer na tataas ang konsumo ng itlog sa pagbubukas ng klase ngayong buwan.
Inaasahan nilang makatutulong ang pagdami ng mga estudyanteng bumabalik sa paaralan upang muling sumigla ang demand at makatulong sa pag-angat ng presyo ng itlog sa merkado.
Patuloy namang minomonitor ng industriya ang sitwasyon habang naghahanap ng mga paraan upang mabalanse ang suplay at demand ng itlog sa bansa.




