Inihayag ni Gilbert Cumila General Manager ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) na pinakaramdam ngayong taon ang pinakamataas na inabot ng mga presyo ng mga gulay kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Cumila, mas kaunti ngayon ang gulay kumpara noong nakaraang taon dahil sa mga sunod sunod na bagyo na dumaan sa ating bansa.
Inihalimbawa nito ang presyo ng kamatis kung saan ngayong taon ay umabot na sa P200 hanggang P220, at may mga pagkakataon pang tumaas ang presyo nito ng hanggang P240.
Ito ay malaking pagtaas mula sa dating presyo na P120 lamang.
Sa kabila ng mataas na presyo, pinakamarami pa ring naibebenta sa NVAT ang kalabasa, kamatis repolyo, patatas, sayote, at mga prutas.
Dagdag pa ni Cumila, halos 55 porsyento ng mga gulay na binebenta sa NVAT ay nagmula sa Nueva Vizcaya, habang ang iba ay mula sa Ifugao, Benguet, Bontoc, at Quirino.
Dahil sa kakulangan ng suplay ng gulay dulot ng mga bagyo, mas marami pa rin ang mamimili kumpara sa mga produkto, kaya’t patuloy ang pagtaas ng presyo sa mga gulay at prutas.
Sa ngayon, kakaunti na rin ang mga prutas tulad ng lemon at suha na matatagpuan sa NVAT, maliban na lamang sa mga imported na prutas.