Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na bababa pa ang presyo ng palay mula sa kasalukuyang buying price ng National Food Authority (NFA), sa kabila ng pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado dahil sa P20 kada kilong rice program ng gobyerno.
Ayon sa kanya, patuloy na bibilhin ng NFA ang basang palay sa halagang P18 kada kilo, habang ang tuyong palay ay nasa pagitan ng P19 hanggang P23 kada kilo.
Ito ay kasunod ng mga ulat na bumagsak sa P9 hanggang P10 kada kilo ang presyo ng basang palay sa ilang lugar tulad ng Pangasinan, at P14 hanggang P15 kada kilo naman para sa tuyong palay—mas mababa kumpara sa presyo noong nakaraang taon.
Paliwanag ng Pangulo, isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng presyo ay ang kawalan ng drying facilities ng mga magsasaka kaya’t napipilitan silang ibenta agad ang kanilang ani sa mababang halaga.
Dahil dito, nagsimula na ang pamahalaan sa paglalagay ng mga rice processing plant at daan-daang dryer upang matulungan ang mga magsasaka na patuyuin ang kanilang palay at makapili ng mas magandang presyo sa merkado.
Inanunsyo rin ng NFA ang pagbili ng 14 truck na gagamitin para mamili ng palay mula sa mga lugar na mababa ang buying price, at plano nitong bumili ng 90 truck ngayong taon at 600 truck pagsapit ng 2028.
Target din ng ahensiya ang pagbili ng 300,000 metriko tonelada ng bigas ngayong taon upang masigurong sapat ang buffer stock para sa bansa.