Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na nakakita ito ng pagtaas sa farm gate prices ng palay isang linggo matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang buwang suspensyon ng rice importation simula Setyembre 1, 2025.

Sa pahayag, sinabi ng DA batay sa datos nito mula sa National Food Authority (NFA), na ang farm gate prices o presyo na natatanggap ng mga magsasaka sa pagbebenta ng mga produkto bago ibyahe at ibenta sa mamamayan ay nagsimulang tumaas sa anim sa 13 key rice-producing regions.

Batay sa monitoring ng NFA, ang buying prices para sa dry palay ay tumaas ng 0.3% hanggang 2.6% bago ipag-utos ni Marcos ang import ban sa Central Luzon, Bicol, Central Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao.

Anang DA, ang average prices ay mula P16.98 kada kilo saCentral Luzon hanggang P20.59 sa Southern Mindanao, habang steady naman ang presyo sa P16.52 sa Southern Tagalog at P17.60 sa Western Visayas.

Sa kabila nito, bumagsak naman ang presyo ng palay sa Ilocos, Cagayan Valley, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at BARMM, at ang pinakamababa ay nasa P14.43 kada kilo sa Cagayan Valley at ang pinakamataas ay nasa P21.67 sa BARMM.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mahigpit na minomonitor ng pamahalaan ang reaksyon ng pamilihan sa import ban na ipinag-utos matapos makitang ang presyo ng palay ay bumaba ng hanggang P8 kada kilo na mas mababa sa estimated production cost na P12 kada kilo ng mga magsasaka.

Matatandaan na bumaba ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado ngayong taon kumpara noong 2024 matapos alisin ng India ang export ban nito sa non-basmati rice.

Noong Abril at Mayo, bumili ang mga importer ng halos 970,000 metriko tonelada ng bigas.