Asahang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas, Agosto 18, matapos ang ilang linggong rollback, ayon sa Department of Energy o DOE.

Magkakaroon ng P2.49 dagdag-presyo kada litro sa lahat ng gasoline grades, habang P3.84 kada litro naman ang itataas sa diesel. Pinakamalaki ang taas-presyo sa kerosene na aabot sa P5.01 kada litro.

Ayon sa DOE, ipatutupad ang bagong presyo hanggang Agosto 24. Sa kabila ng pagtaas, sinabi ng ahensya na sapat pa ang suplay ng langis sa bansa, na tinatayang aabot sa humigit-kumulang 58 araw.

Iniuugnay naman ng oil industry ang pagtaas sa pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kasunod ng paghina ng optimism sa posibleng peace deal at muling pagbubukas ng Strait of Hormuz.