Ipatutupad na sa susunod na Linggo ang pagtatakda ng hangganan sa presyo ng karne ng baboy at isda sa isla ng Calayan, Cagayan kasunod ng biglaang pagsirit nito sa merkado bunsod ng kada-Linggong pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Joseph Llopis na ang resolusyon sa napagkasunduang price ceiling sa isinagawang dayalogo sa lahat ng sektor ay magiging basehan sa ilalabas nitong Executive Order na inaasahang maipatutupad sa Lunes, Hunyo-27.
Sa pangunguna ng alkalde, nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng LGU, Department of Trade and Industry, vendors, at ibat-ibang sektor sa agriculture, kabilang na ang mga consumers.
Dito napag-usapan ang mga gastusin ng mga mangingisda, hog raisers at mga vendors, gayundin ang tinatayang kita ng mga ito na tiniyak naman ng alkalde na mananatiling patas at makatarungan.
Sa ginanap na dayalogo, napagkasunduan ang P250/kilo price ceiling sa karne ng baboy at baka habang P130 sa Class A na isda tulad ng tanguige, tuna o lapu-lapu; P110 sa Class B gaya ng talakitok, mayamaya, durado; at hanggang P100/kilo naman para sa Class C na isda.
Sinabi rin ng alkalde na nagkaroon din ng regulasyon sa pag-aangkat ng Class A na isda upang maiwasan ang kakapusan ng suplay kung saan nasa 30% ang market share nila sa mainland.
Ang dayalogo at ang pagtatakda ng price ceiling ay naglalayong masagot ang kinakaharap na problema ukol sa magkakaibang presyo ng naturang mga produktong agrikultural sa isla bunsod ng mataas na presyo ng langis, pandemya at epekto ng African Swine Fever.
Kabilang sa monitoring team na binuo upang magbantay sa presyuhan ay mula sa DTI, Office of the Mayor, PNP, PCG at MAO.
Magkakaroon naman ng adjustment sa napagkasunduang price ceiling sa oras na bumaba ang presyo ng petrolyo.