
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing at pangunahin bilihin hanggang sa katapusan ng taong 2025 upang mapanatili ang katatagan ng presyo lalo na ngayong papalapit ang holiday season.
Ayon sa Malacañang, layunin ng kautusan na maiwasan ang anumang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan habang pinaghahandaan ng publiko ang Kapaskuhan.
Kasama sa direktiba ng Pangulo ang mas mahigpit na pagsubaybay sa presyo ng bigas, mga produktong pagkain, at iba pang essential goods sa mga pamilihan sa buong bansa.
Inatasan din ni Marcos ang DTI na patuloy na makipag-ugnayan sa mga manufacturer at negosyante upang mapanatili ang kasalukuyang presyo at maiwasan ang hindi makatarungang pagtaas ng halaga ng mga bilihin.
Tiniyak naman ni DTI Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque na nagtutulungan ang pamahalaan at mga industriya upang mapanatiling matatag ang presyo sa merkado.
Kaugnay nito, nagpapatupad din ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ng mga hakbang upang masiguro na mananatiling abot-kaya at makatarungan ang presyo ng mga produkto para sa mga mamimili, lalo na sa panahon ng kapaskuhan










