
Nagpatupad ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis, kabilang ang pansamantalang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng processed food at pagbibigay ng diskuwento sa toll para sa mga pampasaherong sasakyan at cargo haulers.
Ayon sa Pangulo, nakipagkasundo ang ilang malalaking kumpanya tulad ng Century Pacific Food Inc. at Nestlé Philippines na hindi muna magtataas ng presyo ng kanilang mga produkto sa loob ng isa hanggang dalawang buwan, sa kabila ng pagmahal ng produktong petrolyo.
Samantala, inanunsyo ng Department of Transportation na magbibigay ng toll rebates simula Marso 23 para sa mga PUV at freight vehicles sa mga pangunahing expressway tulad ng North Luzon Expressway, South Luzon Expressway, at Southern Tagalog Arterial Road.
Makikinabang sa diskuwento ang iba’t ibang uri ng sasakyan, kabilang ang jeepney, bus, at cargo trucks, na inaasahang makakatipid sa bawat biyahe. Posible ring palawigin ang programa depende sa magiging pagsusuri ng pamahalaan.
Gayunman, nagbabala ang Philippine Amalgamated Supermarkets Association na maaaring hindi magtagal ang price freeze dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa transportasyon at supply chain.
Dagdag pa rito, patuloy ding naaapektuhan ang lokal na ekonomiya ng paghina ng piso na umabot sa P60.1 kontra dolyar, na nagdudulot ng dagdag gastos sa mga manufacturer, lalo na sa maliliit at katamtamang laki ng negosyo.










