TUGUEGARAO CITY-Patay ang isang principal matapos na maaksidente sa bayan ng Pamplona, Cagayan kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni PMSGT Tomas Baggay, chief investigator ng PNP Pamplona na batay sa salaysay ng guro na nakakita sa aksidente, mabilis umano ang patakbo ni Mars Yague Wania, punong-guro ng Bago Elementary School ng nasabing bayan hanggang sa masabit ng kanyang motor ang bakal na railings ng kalsada, tumilapon ang kanyang helmet dahil hindi ito naka-lock at nang matumba ay tumama ang kanyang ulo sa railings.
Ayon kay Baggay, sinabi ng guro na galing sila ng biktima sa isang kasiyahan sa eskwelahan kung saan ay nagkaroon ng inuman at sabay sana silang uuwi ng kanilang lugar sa Barangay Biduang.
Sinabi ng guro na dahil hindi niya kayang mag-isa na tulungan ang biktima ay bumalik siya sa eskwelahan at pagbalik ay may kasama na siyang residente ngunit dahil sa tindi ng tinamong pinsala ng punong-guro ay tumawag na sila ng rescuer ng Pamplona.
Agad na dinala ang biktima sa ospital subalit idineklara siyang dead on arrival ng umasikasong duktor.
Sinabi ni Baggay na maging ang motorsiklo ng biktima ay nagtamo ng malaking pinsala.