Tiniyak ni Education Sec. Sonny Angara na mapananagot ang isang principal matapos ang ‘di umano’y pangmo-molestiya nito sa apat na mga binatilyo sa loob ng isang paaralan sa Quezon City.
Sa opisyal na pahayag ng DepEd School Division Office-Quezon City, kinilala nila ang suspek na si Bonifacio Caculitan Jr., principal ng Pugad Lawin High School.
Sabi ni Sec. Angara, pinag-utos niya na ang malalimang imbestigasyon sa insidente.
Kaagad namang pinulong ng SDO-QC ang mga magulang ng mga biktima para masailalim ang mga bata sa psychological first aid.
Tiniyak din ng SDO ang serye ng counseling, at tulong sa mga bata.
Sa hiwalay na pahayag, kinundena rin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang insidente.
Aniya, hindi raw nila kukunsintihin ang insidente, at handa silang magbigay ng legal assistance sa mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon – lumabas na naganap ang pangmomolestiya noong nakaraang Sabado, September 28, kung saan ang mga biktima ay pawang mga Grade 10 students.
Pinatawag daw ng suspek ang apat na biktima dahil may ipapagawa umano sa kanila pero yun pala ay may masama itong balak.
Nakatakas ang isa sa mga biktima ito kaya agad na nakapag sumbong dahilan para agad ding ma-aresto ang suspek sa follow-up operation.
Nakakulong na ang principal at mahaharap sa kasong Lascivious Conduct in relation to The Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Patuloy namang inaalam ng pulisya kung may iba pang estudyante na nabiktima ang suspek.