Muling umapela si Comelec Chairman George Garcia na lansagin ang private armed groups (PAGs) bago ang 2025 national at local elections (NLE).

Hinimok ni Garcia ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) para i-neutralize ang mga grupong ito, na ginagamit umano ng ilang indibidwal para takutin, i-terrorize, at ibagsak ang desisyon ng publiko.

Binigyang-diin ni Garcia ang kahalagahan ng pagtanggal sa mga grupong ito upang matiyak ang mapayapa at kapani-paniwalang halalan.

Sinabi ni Garcia na hindi mapapanatili ang katahimikan at maayos ang halalan kung mayroong private armies na nagagamit ng iilan para ipanakot, i-terrorize, at baliktarin ang desisyon at mandato ng sambayanan.

Ang panawagan ni Garcia ay kasunod ng pananambang sa sasakyan ni Sulu Provincial Election Supervisor Julie Vidzfar sa Zamboanga City noong Sabado.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Oktubre, binigyang-diin ni Garcia na lahat ng pribadong armed groups ay kailangang ma-neutralize bago ang 2025 NLE upang mapangalagaan ang integridad ng mga botohan.

Ang senatorial at party-list campaign period ay mula Pebrero 11 hanggang Marso 10, 2025.

Ang campaign period ng House of Representatives at local positions ay mula Marso 28 hanggang Mayo 10, 2025.

Ang araw ng halalan ay sa Mayo 12, ngunit ang mga botante sa ibang bansa ay maaaring bumoto sa Abril 13, habang ang mga local absentee voters ay maaaring bumoto mula Abril 28 hanggang 30.

Bukod pa rito, magaganap din ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections sa 2025.