Ibabalik na sa regular ward ang mga private rooms sa Cagayan Valley Medical Center na dating ginamit para sa mga pasyenteng may COVID- 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CVMC Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na makalipas ang dalawang taon ay muli itong bubuksan sa mga non-covid patients kasabay ng patuloy na pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19 sa rehiyon.
Aniya, mas marami na ang ina-admit na pasyente sa regular ward na kailangan ding pagtuunan ng pansin habang maglalaan na lamang ng ibang kwarto para sa mga COVID-patients.
Base sa pinakahuling datos noong Sabado, Marso-5, nasa 16 confirmed COVID patients na lamang ang admission ng ospital habang lima ang suspected cases o nag-aantay ng resulta ng kanilang swab test.
Kung magtutuloy-tuloy ay posible umanong zero case na ang hospital admission para sa COVID patient.
Kasabay nito ay inihayag ni Baggao na tatanggalin na rin nila ang compulsory Covid tests sa lahat ng pasyente, kasama na ng kanilang mga bantay.
Sa kabila nito muling ipinaalala ni Baggao sa publiko na huwag maging kampante at sundin pa rin ang health protocols lalo na ngayong niluwagan na ang mga restrictions.
Tuloy-tuloy din ang pagbabakuna kontra COVID-19 ng naturang pagamutan sa general population lalo na sa edad 5-11.
Inaasahan naman ang pagbisita ni Health Secretary Francisco Duque sa Miyerkules, Marso-8 upang makipagpulong sa mga medical center chief ng ibat-ibang pagamutan sa rehiyon at mag-iikot sa mga ospital maging sa mga vaccination venues.