Mahigit walong libong police personnel sa Cagayan Valley ang naitalaga na ng Police Regional Office 2 (PRO 2) upang tiyakin ang seguridad sa rehiyon ngayong halalan.

Ayon kay PMaj. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng PRO 2, layon ng isinagawang deployment ng kabuuang 8,704 police personnel at 1264 augmentation force na masiguro ang kaayusan sa mga voting precinct, gayundin ang kaligtasan ng mga botante at election officers.

Nagdagdag na rin ang pulisya ng pwersa sa bayan ng Rizal, Cagayan at San Pablo, Isabela dahil sa naitalang election related incidents kamakailan.

Karagdagang pwersa rin ang itinalaga sa mga lugar na nasa orange category gaya sa bayan ng Aparri, Baggao at Gattaran.

Bukod sa pagbabantay sa mga tinukoy na election hotspots ng Comelec, kabilang sa mga hakabang ng PRO 2 para sa ligtas na halalan ang paglalagay ng checkpoints habang naka-standby na rin ang may 21 police personnel na magsisilbing backup electoral board sa halalan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Mallillin na patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng pulisya, Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines , at iba pang ahensya.

Ito ay bilang bahagi ng kanilang hakbang na siguruhin ang mabilis at maayos na pagtugon sa anumang posibleng aberya o banta sa halalan.

Samantala, sinabi ni Mallillin na patuloy ang backtracking sa mga CCTV footage kaugnay sa pagpaslang sa Punong Barangay ng Centro 2, Enrile, Cagayan.

Sa ngayon ay wala pang malinaw na lead ang kapulisan hinggil sa motibo ng pagpaslang at pagkakakilanlan ng dalawang suspek ngunit tiniyak ni Mallillin na titignan nila ang lahat ng anggulo na nag-uugnay sa krimen.