May bago ng direktor ng Police Regional Ofiice 2 sa katauhan ni PBgen. Roy Bardelosa Parena.
Isinagawa ang turn-over ceremony kaninang umaga, kung saan pinalitan ni Parena si outgoing PBGen. Antonio Marallag Jr.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Marallag ang lahat ng personnel ng PRO 2 sa pagsuporta sa kanyang liderato, na dahilan ng high performance sa pagkamit sa kanilang target accomplishments.
Ayon sa kanya, nagpapasalamat siya dahil sa halos 10 buwan na pamumuno niya sa PRO 2, kasama niya sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin ang mga may dedikasyon at masisipag na mga personnel.
Idinagdag pa ni Marallag na nasa mabuting kamay ang PRO 2 sa ilalim ng liderato ni Parena, kasabay ng kanyang panawagan na ibigay ang kanilang mas higit na suporta at katapatan sa bagong direktor.
Samantala, hiniling naman ni Parena ang suporta ng mga personnel ng PRO2 at stakeholders para sa kanyang administrasyon.
Nangako siya na mananatili ang PNP sa pagtiyak sa pagbibigay ng proteksyon sa publiko at sinisiguro ang payapang lipunan.
Idinagdag pa niya na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang mga proyekto at mga programa ni Marallag.
Dumalo sa turnover ceremony ang local chief executives at mga pinuno ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, bilang pagpapakita ng suporta sa bagong talagang Regional Director ng PRO 2.