TUGUEGARAO CITY-Nagsagawa ng kilos protesta ang mga pabor sa operasyon ng Oceanagold Philippines Inc.,isang malaking mining company na matatagpuan sa Didipio,Kasibu,Nueva Vizcaya.
Layon umano ng nasabing aktibidad ng pro-development group na ipakita ang kanilang suporta sa pananatili ng operasyon ng nasabing kumpanya.
Subalit sinabi ni Barangay Kagawad Delia Bahag na mas marami sa mga dumalo sa nasabing pagtitipon ay mula sa iba’t ibang lugar sa labas ng Nueva Vizcaya.
Muling iginiit ni Bahag na maraming negatibong epekto ang pagmimina sa kanilang lugar kung saan ay marami na umanong mga pananim ang mabilis na nababaha.
Sinabi pa niya na may mga poso na rin umano na wala nang tubig.
Bukod dito,sinabi niya na marami na ring nagkakasakit dahil sa minahan.
Sinubukan naman ng ating himpilan na kunin ang reaksion ng pro-development group subalit tumanggi ang mga ito at sinabing kailangan na ipaalam muna ito sa kanilang pinuno.