Pinuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang datos na nagpapakita na hindi tugma ang listahan ng mga probinsyang may pinakamaraming flood control project sa mga lugar na madalas binabaha.
Batay sa isinumiteng datos ng Department of Public Works and Highways, kabilang sa top 10 provinces na may pinakamaraming flood control projects ang Bulacan, Cebu, Isabela, Pangasinan, Pampanga, Albay, Leyte, Tarlac, Camarines Sur at Ilocos Norte.
Pero sa tala ng National Adaptation Plan of the Philippines 2023-2050, ang mga pinaka-flood prone provinces ay Pampanga, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Bulacan, Metro Manila, Maguindanao, North Cotabato, Oriental Mindoro at Ilocos Norte.
Kapansin-pansin na wala sa listahan ng mga probinsya na may pinaka maraming proyekto ang ilang flood-prone areas gaya ng Nueva Ecija, Metro Manila, Maguindanao, North Cotabato at Oriental Mindoro.
Giit ng Pangulo, dapat nakatuon ang flood control projects sa mga lugar na madalas bahain.
Kaya kabilang ito sa bubusisiin ng maigi ng Regional Project Monitoring Committee.