Tuguegarao City- Inihayag ni Mayor Joan Dunuan ng Baggao, Cagayan sa kanyang State of Municipality Address (SOMA) na tutugunan nila ang problema sa health services at sa mga kalsada sa nasabing bayan.

Ayon sa alkalde, isa sa kinakaharap na problema ng kanilang munisipalidad ay ang kakulangan sa mga ambulansya na pangunahing ginagamit upang rumesponde sa emergency.

Inihayag nito na sa anim na ambulansya ay tatlo lamang dito ang gumagana ngunit madalas pang pumalya kaya’t bibili sila ng karagdagan pa sa mga ito.

Bukod dito ay magkakaroon din aniya ng 24/7 clinic na makatutulong upang mayroon agad na matakbuhan ang mga residente kung sakaling may hindi inaasahang pangyayari.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay sinabi pa ng alkalde na hinihintay din nila na maaprubahan ang hiniling na karagdagang manggagawa tulad ng nurses at midwives.

Samantala, sinabi pa ni Dunuan na bibili sila ng karagdagang mga heavy equipment upang may magamit sa pagsasaayos naman sa mga kalsada.

Giit nito na nasa 15,000 sq.km pa ang hindi nasesementohan sa mga daanan kaya’t nais nito na matapos ang pagsasaayos sa kalsada sa lalong madaling panahon.

Dahil dito ay balak ng alkalde na bumili pa ng tatlong dump truck bilang dagdag sa apat pang kasalukuyang ginagamit ng minisipyo sa pagsasaaayos sa mga kalsada.