Sabay-sabay na inihaw ang dalawang libong kilo ng Malaga sa bayan ng Buguey Cagayan kasabay ng pagdiriwang ng kanilang Malaga Festival.

Ayon kay Mayor Licerio ” Cerry” Antipordda, layunin nito na maipakilala ang kanilang produktong isda bilang suporta sa food security campaign ng kasalukuyang administrasyon.

Napag-alaman na nasa 350 meters ang haba ng ginawang ihawan na gawa sa imporvised na kawayan na inilatag naman sa tabi ng Buguey Beach sa Brgy. Centro.

Ang nasabing aktibidad ay nilahukan naman ng mga residenteng mula sa ibat ibang barangay ng Buguey na matiyagang nag-ihaw sa ilalim ng sikat ng araw.

Sinabi ni Antiporda na target din nilang maitala sa Guinness World Records ang longest grilled malaga.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito ay inihayag ng alkalde na ngayong taon ay target din nilang mapataas pa ang produksyon ng nasabing isda sa hanggang 200 metric tons mula sa 172 metric tons production sa nakalipas na taon.

Kaugnay nito ay nakipag-ugnayan na ang LGU Buguey sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para sa paglalatag ng mga hakbang na makatutulong at makatutugon sa pangangailangan ng mga Malaga fish cage operators tulad na lamang ng fingerlings dispersal sa mga nag-aalaga nito.

hiniling na rin nila sa BFAR ang paglalagay ng Malaga hatchery upang mas mapadami pa ang mga Malaga na ipapamahagi sa mga mangingisda sa tamang panahon.

Dagdag pa rito ay tinututukan din nila ang pagpapaluwang ng produksyon ng guraman o sea weeds upang matulungan din ang mga Malaga fish cage operators na may maipakain sa kanilang alagang isda dahil sa mahal na presyo ng feeds

Ayon pa sa alkalde, ipinagdiriwang pa rin ng kanilang bayan ang Crab festival ngunit ito ay inilipat naman sa buwan ng Oktubre para mapanatili nila ang pagiging crab capital of the north ng Buguey.

Sa katunayan aniya ay nakikipag-ugnayan din sila sa BFAR at iba pang kaukulang ahensya upang matutukan din ang pagkakaroon ng crab hatchery.