Hinikayat ng Solana Police Station ang publiko na suportahan ang inilunsad na Project ‘WIN A SMILE’ na tinatampukan ng mga produkto ng persons with disability (PWD) mula sa bayan ng Solana, Cagayan.
Sa inisyatiba ni PMAJ Darwin Urani, hepe ng PNP-Solana ay nabuo ang proyekto na inilunsad nitong July 29, kasabay ng selebrasyon ng 27th Police Community Relations Month.
Ayon kay Urani na layon ng naturang proyekto na matulungan ang mga may kapansanan na may angking talento na siyang pangunahing benepisaryo ng project WIN A SMILE (Working for Inclusivity for Noble Aim: Solanians Making Impaired Individuals Live Limitless with Excellence).
Dagdag pa ni Urani na sa kabila ng kanilang kapansanan ay makikita ang kanilang pagkamalikhain sa ibat-ibang larangan.
Tampok sa mga produktong gawa ng mga PWDs ang tocino at mga pickeled foods mula sa ampalaya, papaya, labong o bamboo shoot at sayote.
Mayroon ring furnitures tulad ng mesa, mga upuan at souvenir items gaya ng miniature na kalesa na maaari namang ipanregalo.
Kabilang din sa mga talentong ipinakita ng mga PWDs ay ang pag-awit, pagtugtog ng mga instrumento at massage.
Sinabi ni Urani na ang naturang proyekto ay umani ng papuri at suporta sa lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders.
Matatandaan na umani rin ng papuri ang Project BIKE o “Bisikleta Ihandog sa Kapatid na aEta” ni Police Major Marlou Del Castillo, hepe ng Ballesteros PNP na may layuning matulungan ang mga kapus-palad na katutubo.