Tuguegarao City- Inilunsan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 ang kanilang programa para sa mga manggagawang mula sa hanay ng formal and informal sector na naapektohan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Evelyn Ramos, Regional Director ng DOLE Region 2, kabilang sa inilunsad ng kanilang ahensiya ay ang COVID Adjustment Measure Program (CAMP) para sa mga apektadong manggagawa.

Ang CAMP ay isang programa ng DOLE Region 2 kung saan ay namamahagi ng P5,000 na ayuda para sa mga empleyadong naapektohan ang pinapasukang kumpanya.

Paliwanag ng Director, ang mga may-ari ng kumpanyang nagpatupad ng flexible work arrangemnet at naapektohan ng temporary closure ang mag-aaply para sa kanilang manggagawa upang makatanggap ng ayuda mula sa naturang ahensya.

Kailangan lamang umanong ipasa ng mga employers ang mga kaukulang requirements upang makakuha ng P5,000 na ayuda para sa kanilang mga manggagawa.

-- ADVERTISEMENT --

Giit pa ng Director ay maaari din aniyang personal na magsadya o tumawag at magtext sa kanilang tanggapan sakaling mayroong katanungan ang isang employee o employer hinggil sa naturang programa.

Samantala, sakali man aniya na hindi pasok sa kwalipikasyon ang isang manggagawa ay maaari umano nitong i-avail ang “Tulong Pangkakabuhayan Program” kung saan ay bibigyan ng 10 araw na tranaho at makakatanggap naman ng sahod.

Tiniyak naman ni Atty. Ramos na ipoproceso nila ang mga isinumiting requirements sa lalong madaling panahon upang matulungan ang mga apektadong empleyado.

Sa ngayon aniya ay may mahigit 4,000 manggagawa at 492 na mga establishimento na ang naabutan ng ayuda mula sa tanggapan ng DOLE.