Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kayang pondohan at panatilihin ng kanyang administrasyon ang Zero Balance Billing (ZBB) Program sa kabila ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa sektor ng kalusugan.

Ayon sa Pangulo, bahagi ng masusing pagpaplano ang pagsigurong matatag at tuloy-tuloy ang mga serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.

Sa ilalim ng ZBB program, hindi na kailangang magbayad ng mga pasyente sa mga ospital ng Department of Health (DOH) para sa serbisyong medikal, gamot, at bayad sa mga doktor.

Batay sa datos ng DOH, mahigit 298,000 pasyente na ang natulungan ng naturang programa, na layuning gawing mas accessible ang serbisyong medikal sa mga nangangailangan.

Iginiit ng Pangulo na dapat gamitin ang pondo ng gobyerno para sa mga programang direktang nakikinabang ang taumbayan, tulad ng ZBB at iba pang proyekto gaya ng P20 kada kilong bigas. Para sa kanya, mahalagang tiyakin na ang pondo ay napupunta sa tamang lugar upang masigurong abot-kaya ang mga pangunahing pangangailangan ng publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa layunin nitong gawing libre o mura ang serbisyong medikal, itinuturing din ng administrasyon na bahagi ito ng mas malawak na reporma sa sistema ng kalusugan ng bansa.

Sa patuloy na pagsubaybay sa implementasyon ng ZBB, nananatiling sentro ng programa ang pagbibigay ng dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.