Inilunsad ng pulisya sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan sa bayan ng Iguig ang project “INDAK” o IguigeƱos Nurturing Dance Accelerating Kinship among community na isinagawa sa Calvary Hills, Ajat, Iguig, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT Crissandra Aggabao, deputy chief of police ng PNP-Iguig na ang proyektong ito ay para sa physical fitness ng komunidad lalo na sa mga senior citizen na naglalayong magkaroon ng wastong ehersisyo upang mapanatiling masigla at malusog ang kanilang pangangatawan.

Layon din nitong itaas ang kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malusog na pangangatawan.

Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ni Police Colonel Renell Sabaldica, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, Iguig PNP sa pangunguna ni PMAJ Jeffrey Canay, LGU officials sa pangunguna ni Mayor Ferdinand Trinidad, Brgy officials at KKDAT officers.

Naging positibo naman aniya ang pagtugon ng mga naki-indak na indibidwal sa paglulunsad ng programang nabanggit.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Aggabao, sa pamamagitan ng isang resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Bayan ay isang beses kada Linggo pipili ang PNP ng barangay na pupuntahan, katuwang ang LGU upang isagawa ang pagsasayaw ng zumba o ehersisyo sa saliw ng musika.