Umaasa ang pamunuan ng pulisya sa bayan ng Penablanca na mapapanatili ang wala nang naitalang kaso ng panggagahasa sa naturang bayan.
Itoy kasunod ng limang naitalang kaso ng rape na pawang mga menor de edad noong 2021 na naibaba sa zero case sa pagpasok ng 4th quarter ng 2022.
Ayon kay PMAJ Harold Ocfemia, hepe ng PNP- Penablanca na isa sa best practice ng kanilang tanggapan na naging daan upang maibaba ang insidente ng pang-aabusong sekswal ay ang Project Mariposa na nailunsad noong nakaraang taon.
Layunin ng proyekto ang pag-aresto sa mga rape suspects, pagsubaybay at pagtulong sa mga rape victims.
Sa ilalim rin ng proyekto ay pinapaigting ng pulisya ang kanilang information education campaign sa mga paaralan at mga barangay laban sa pang-aabuso sa mga kabataan at paghikayat sa mga biktima na lumabas at ipaglaban ang kanilang karapatan at katarungan.
Mahalaga aniyang may kooperasyon dahil may ilang babaeng hindi alam na ang ginawa sa kanila ay pang-aabuso na pala.
Pinayuhan rin ni Ocfemia ang mga may kaso ng rape na matagal nang nangyari na lumapit lamang sa kanilang himpilan para hindi na maulit.
Dagdag pa niya na pangunahing dahilan kung bakit may mga nagagahasang kabataan lalo na sa liblib na lugar sa Penablanca ay dahil sa pag-iwan ng mga magulang sa kanilang mga anak sa kanilang mga kamag-anak para magtrabaho.