
Binigyang-diin ng prosecution panel sa impeachment trial ni VP President Sara Duterte ang kahalagahan ng mga Notices of Disallowance (ND) na inilabas ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng kabuuang ₱448 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kina Private Prosecutor Amando Ligutan, Private Prosecutor Benjamin Tolosa Jr., at Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, ang COA ay naglabas ng ND para sa ₱73 milyong confidential funds noong 2022 at ₱375 milyong confidential funds noong 2023 dahil sa umano’y mga iregularidad sa paggamit ng pondo.
Ipinaliwanag ni Ligutan na ang notice of disallowance ay inilalabas kapag ang paggasta ng pampublikong pondo ay napatunayang iregular, hindi kinakailangan, labis, o taliwas sa mga umiiral na alituntunin. Aniya, bagama’t maaari pang iapela ito sa Korte Suprema, nananatiling may bisa ang ND hangga’t walang inilalabas na temporary restraining order ang hukuman.
Samantala, sinabi ni Luistro na hindi maaaring ipasa ng Pangalawang Pangulo ang pananagutan sa mga dating special disbursing officers ng OVP at Department of Education (DepEd). Ayon sa kanya, batay sa mga naging testimonya ng mga opisyal, si Duterte umano ang nag-utos sa pamamahagi ng confidential funds sa ilang opisyal ng militar, isang hakbang na hindi umano pinahihintulutan ng umiiral na Joint Circular.
Idinagdag naman ni Tolosa na malinaw sa batas at sa Government Auditing Code na ang pinuno ng isang ahensya ang pangunahing may pananagutan sa lahat ng pondo at ari-arian ng kanyang tanggapan.










