
Iginiit ng House prosecution panel na maraming dapat ipaliwanag si defense lawyer Michael Poa tungkol sa paggamit ng ₱112.5 milyon na confidential funds ng DepEd noong kalihim pa nito si Vice President Sara Duterte.
Ayon sa prosecution, si Poa mismo ang umamin sa isang House hearing noong 2024 na humingi siya ng certifications sa mga military officials para sa liquidation ng confidential funds, kahit hindi umano alam ng mga opisyal kung saan gagamitin ang kanilang mga pirma.
Kabilang sa mga lumagda sina Colonel Manaros Boransing II at Colonel Magtangol Panopio, na kapwa nagsabing hindi nila alam na gagamitin ang certifications para sa liquidation ng pondo.
Iginiit ng prosecution na mahalagang malinawan ang Senado kung legal at tama ang paggamit sa naturang pondo, lalo’t hindi umano trabaho ng militar ang mag-liquidate ng confidential fund ng DepEd.










