Nanindigan ang House prosecution team na nananatili ang mga paglabag ng Office of the Vice President (OVP) sa 2015 guidelines sa paggamit ng confidential funds kahit umaapela ito sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng notice of disallowance sa P375 milyon na confidential funds na ginastos noong 2023.

Inihayag ito nina House prosecution panel spokespersons Renee Co ng Kabataan party-list at Zia Adiong ng Lanao del Sur bilang tugon sa panawagan ni Senator-Judge Juan Miguel Zubiri na agad resolbahin ng COA ang apela ng OVP upang makatulong sa pagdedesisyon sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ang notice of disallowance ay inilalabas kapag ang isang gastusin ay itinuturing na irregular, unnecessary, excessive, extravagant o unconscionable, at inaatasan ang pagbabalik ng halaga sa kaban ng bayan.

Ayon kay Adiong, anuman ang magiging desisyon ng COA sa apela ng OVP, hindi nito mababago ang katotohanang nilabag umano ng tanggapan ang 2015 Joint Memorandum Circular na gumagabay sa paggamit ng confidential funds.

Sinabi niyang pinatunayan ito sa testimonya ng state auditor na si Xylene del Campo at ng dalawang hostile witnesses na sina dating OVP special disbursing officer Gina Acosta at OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Adiong, sinabi ni Ortonio na hindi niya alam kung paano ginastos ang confidential funds at dalawang tao lamang umano ang nakaaalam nito—si Duterte at dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) chief Colonel Raymund Lachica. Dagdag pa niya, hindi naman empleyado ng OVP si Lachica.

Bago ang P375-milyong notice of disallowance para sa 2023, naglabas na rin ang COA ng notice of disallowance sa P73 milyong confidential fund spending ng OVP noong 2022, na tuluyang pinagtibay noong Abril.