Naglalayon ang House prosecution panel na magharap ng nasa 25 testigo para patunayan ang Article 2 ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na tumutukoy sa umano’y pagkakaroon niya ng unexplained wealth.

Ayon kay Manila Representative at prosecutor Joel Chua, kabilang sa mga testigo ang nasa 15 bank officials, dating senador Antonio Trillanes IV, mga kinatawan ng Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue, Securities and Exchange Commission at Anti-Money Laundering Council.

Humiling din ang prosecution kay Duterte na aminin ang authenticity at pagmamay-ari ng ilang bank accounts na sangkot sa kaso, kabilang ang mga account na pinaghahatian nila ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Ayon kay Chua, kung papayag si Duterte sa naturang admission, maaaring mabawasan ng humigit-kumulang 10 ang mga testigong kailangan nilang iharap.

Batay sa impeachment complaint, inaakusahan si Duterte na hindi lubusang idineklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ang kanyang mga ari-arian, pananagutan at net worth, kabilang ang mga SALN para sa 2022, 2023 at 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Iniuugnay rin sa Article 2 ang umano’y kabiguan niyang i-divest o bitawan ang kanyang mga business interest habang nagsisilbi bilang vice president mula 2022 hanggang 2025.