
Hindi pa kumbinsido ang House prosecution team na kailangan nitong ipatawag bilang hostile witness si Colonel Raymund Lachica, dating security chief ni Vice President Sara Duterte, sa impeachment trial.
Ayon kay House prosecution spokesperson Benjamin Tolosa Jr., tinitimbang nila ang mga benepisyo at panganib sa pagharap ni Lachica bilang testigo, kabilang ang posibilidad na magbigay ito ng salungat na pahayag.
Si Lachica ang tinukoy ni dating OVP special disbursing officer Gina Acosta na tumanggap umano ng ₱500 milyon mula sa confidential funds ng OVP para sa disbursement mula 2022 hanggang 2023, sa utos ni Duterte.
Gayunman, sinabi ni Acosta na hindi nakasaad sa 2015 guidelines na maaaring ilipat kay Lachica ang responsibilidad sa paghawak at pag-disburse ng confidential funds.
Ayon naman kay House prosecutor Joel Chua, huling opsyon ang paggamit ng hostile witness, lalo’t mayroon na silang mga testigong sina Acosta, dating DepEd SDO Eduard Fajarda at OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.










