
Sinabi ng House prosecution panel na uunahin nito ang paglalahad ng mga ebidensiya kaugnay sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Ayon kay House lead prosecutor Gerville Luistro, bagama’t nakatakdang ihuli ang Article 2 sa orihinal na pagkakasunod-sunod, gagamitin ng prosecution ang prerogative nitong isulong ang presentasyon ng ebidensiya rito. Gayunman, nilinaw niyang hindi nila inaalis ang Article 3 o ang bribery charge.
Samantala, sinabi ng depensa na nasa prerogative ng prosecution ang pagbabago sa pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng kanilang mga ebidensiya.
Sa Article 2, inaakusahan si Duterte ng pagkakaroon ng yaman na umano’y hindi tugma sa kanyang legal na kita, hindi ganap na pagsisiwalat ng kanilang mga ari-arian at pananagutan sa SALN, at patuloy na paghawak sa mga business interest habang nasa puwesto.




