TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan na umanong inaayos ng Civil Service Commission (CSC)-Region 2 ang kanilang istratehiya sa naging kautusan ng kanilang central office na pag-refund sa P500 na binayaran ng mga applikante para sa Career service examination-Pen and Paper test (CSE-PPT)noong Marso 2020 na unang nakansela dahil sa banta ng covid-19.

Ayon kay Nerissa Canguilan, Regional Director ng CSC-Ro2, posibleng sa buwan ng Hunyo ay magsisimula na ang kanilang tanggapan na magbalik ng nasabing halaga sa lahat ng mga aplikante.

Aniya, hintayin lamang ang “text message” na mula sa kanilang tanggapan na magsasabi kung paano ang proseso ng kanilang pagkuha ng pera maging ang pagdownload at pagfill-up ng form na kakailangan sa pag-refund.

Paliwanag ni Canguilan, kailangan nila itong ibalik dahil lilimitahan ang mga kukuning applikante sa susunod na pagsusulit para maipatupad ang mga health protocols laban sa covid-19.

Hindi rin anila maaring ituloy ang pagsusulit ngayon dahil kulang ang mga examination center mula sa bilang na mahigit 17,000 na aplikante na unang nakapag-file ng kanilang application noong nakaraang taon.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ng director na maibabalik ang pera ng mga aplikante bago matapos ang taong kasalukuyan.

Tinig ni Nerissa Canguilan, Regional Director ng CSC-Ro2

Samantala, inihayag din ng director na kasalukuyan na ring inaayos ng CSC ang pagsasagawa ng online application para hindi na mahirapan ang mga aplikante na magtungo sa kanilang mga opisina para magregister.