Inutusan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Animal Industry (BAI) na ayusin ang kanilang protocol sa pagbabakuna laban sa African swine fever (ASF) upang mapabilis ang rollout ng mga bakuna at matugunan ang patuloy na pagkalat ng virus sa bansa.
Sinabi ni Tiu Laurel na ang pilot vaccination sa Lobo, Batangas na itinuturing na ground zero ng ASF outbreak ay nagpakita ng encouraging na resulta, kung saan ang mga blood tests sa 35 baboy ay nagpakita na nakabuo ang mga ito ng sapat na antibodies upang labanan ang virus.
Sa simula, 41 na baboy ang nabakunahan, ngunit anim ang namatay dahil sa comorbidities, ayon sa Department of Agriculture.
Aminado si Tiu Laurel na maraming backyard hog raisers ang nagdadalawang-isip na makilahok sa rollout ng ASF vaccine dahil sa takot na katayin ang kanilang mga baboy kung magpositibo ang mga ito sa virus.
Inaprubahan niya ang alokasyon ng P350 milyon para sa pagbili ng 600,000 dosis ng ASF vaccine.
Ayon sa datos ng BAI, hanggang Oktubre 2, ang ASF ay kumalat sa 534 barangay sa hindi bababa sa 14 na rehiyon, 30 probinsya, at 122 munisipalidad.