TUGUEGARAO CITY-Inaasahang maaprubahan sa susunod na session ng sanguniang panlalawigan ng cagayan ang provincial budget matapos ang pag-apruba sa annual investment plan (AIP) kahapon.

Ayon kay Cagayan Vice governor Boy Vargas, masusing tinatalakay ng komite na kanyang pinamumunuan ang provincial budget na nagkakahalaga ng P2.8 Bilyon para ito’y maaprubahan na at hindi na ang re-enacted budget ang gagamitin ng probinsiya.

Aniya, kailangang dumaan sa tamang proseso ang pag-apruba para hindi ku-kwestyonin ng department of budget and management (DBM).

Kaugnay nito, sinabi ni vargas na ilan sa kanilang mahigpit na tinatalakay ay ang pondo para sa “no barangay left behind” program kung saan mabibigyan ng tig-tatlong milyon bawat bayan dahil nais ng punong ehekutibona ilipat ito sa Elcac o end local communist armed conflict na may kaugnayan sa executive 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Vargas na malalaman din sa susunod na session kung ito ba ay sasang-ayunan ng komite dahil kanila pa itong pinag-aaralan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito,inirekomenda rin ng komite ang pagkakaroon ng mas malaking pondo sa mga malalaking barangay mula “Aid to barangay” program kung saan mabibigyan ng tig-P500,000 ang bawat barangay.

Sinabi ni Vargas na mas malaki ang pangangailangan ng mga malalaking barangay kung kaya’t mas maganda aniyang mas malaki rin ang matatanggap na pondo.

Nabatid na una nang naaprubahan ang Provincial Development Investment plan sunod ang AIP kung kaya’t sa susunod na session ay asahan na ang pag-apruba sa provincial budget.