ctto

TUGUEGARAO CITY-Nilinaw ng Provincial Government ng Cagayan na tumatanggap pa rin sila ng tulong para sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa probinsya, taliwas sa kumakalat sa social media na tumigil na silang tumanggap ng anumang ayuda.

Ayon kay Rogelio Sending, tagapagsalita ng Provincial Government ng Cagayan, nananatiling bukas ang kanilang opisina sa lahat ng mga nais magpaabot ng tulong at wala silang plano na ito’y ipatigil.

Sa katunayan aniya, sako-sakong bigas pa rin ang kanilang nire-repack para ipaabot sa mga residente ng pagbaha katuwang ang mga kawani ng kapitolyo at mga volunteers.

Sa ngayon, sinabi ni Sending na nasa 67,000 food packs na ang kanilang naipaabot sa iab’t-ibang bayan na nasalanta ng pagbaha mula sa Provincial Government ng Cagayan.

Nilinaw din ni Sending na tumatanggap rin ang kanilang opisina ng used clothes na ipapamahagi sa mga residente.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Rogelio Sending

Samantala, tiniyak din ni Sending na nakakarating mismo sa mga benipisaryo at hindi sa mga kawani ng kapitolyo ang mga natatanggap na donasyon na ipinagkakatiwala sa kanila.

Pahayag ito ni Sending sa impormasyong natanggap ng himpilan na iniuuwi umano ng mga kawani ng kapitolyo ang mga relief goods na dapat ay ipinamamahagi sa taong bayan.

Aniya, kahit isang delata ay walang naiuuwi ng sinumang empleyado ng kapitolyo dahil ang kanilang adhikain lamang ay maiparating sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha ang mga relief goods.