Tiniyak ng Provincial Health Office (PHO) na tuloy-tuloy ang kanilang serbisyong medikal sa mga Cagayano kasunod ng pinsalang dulot ng bagyong Kristine.

Ayon kay Robert Umoso Jr, DRRMH-Manager, nakatuon ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng agarang tulong medikal at mga serbisyong pangkalusugan sa mga apektadong lugar sa lalawigan.

Dagdag niya, bago pa ang pananalasa ng bagyo ay nagsagawa na ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) at nagkaroon ng mahigpit na ugnayan sa pagitan ng mga Municipal Health Officers maging sa mga Municipal Health Emergency Response Team upang tiyakin na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga residente sa oras ng kalamidad.

Sinabi rin nito na mayroon ding medical teams na naka-deploy sa mga evacuation center para masubaybayan ang kanilang kalagayan at maiwasan ang ilang mga sakit gaya ng airbone o respiratory diseases na maaring maihawa sa iba, water borne diseases, leptospirosis, at iba pa.

Pagtityak pa niya na mayroong sapat na suplay ng gamot at kagamitang medikal na maaaring gamitin at ipamahagi sa mga nangangailangan sa mga evacuation center.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ayon naman kay Dr. Nicasio Galano Jr., Chief of Hospital ng Tuao District Hospital at nagsisilbing in-charge sa mga District Hospital sa Cagayan na sa kabila ng pananalasa ng bagyo, walang malalang naitalang insidente.