Patay ang provincial information officer ng Zamboanga del Sur matapos siyang barilin ng kanyang aid sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa isang beach resort sa Barangay Ambulon, Vincenzo Sagun kagabi.
Sinabi ni Captain Brainhull Sakkam, hepe ng Vincenzo Sagun police, bago ang insidente, nakikipag-inuman ang biktima na si Jeesrel Himang, residente ng Barangay Kawit, Pagadian City sa kanyang personal escort na si Reymond Antifuelo Lopecillo ng Barangay Bibilop, Midsalip.
Nang malasing na si Lopecillo ay nagkaroon sila ng pagtatalo ni Himang.
Binunot ni Lopecillo ang kanyang baril na .45 caliber pistol at binaril ng apat na beses si Himang, kung saan tinamaan siya sa ilong, dalawa sa kanyang tiyan at isa sa kanyang kanang kamay.
Tinamaan din ang isa pang biktima ng dalawang beses na si Celwegen Mae Arellano, residente ng bayan ng Tigbao, kung saan nasugatan siya sa itaas na bahagi ng kanyang puwitan, at tumagos ang bala sa kanyang balakang.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang ugat ng mainitang pagtatalo ng dalawa.