Mamamahagi ng 200 tupa sa Pudtol ang Provincial Veterinary Office ng Apayao, ngayong ikatlong quarter, bilang bahagi ng Sheep Production Program sa ilalim ng Farmer’s Livestock School ng pamahalaang panlalawigan, na naaayon sa bisyon nitong maging “Sheep Capital of the north”.
Ang mga naturang tupa na nagkakahalaga ng P3,000,000.00, ay paghahatian ng dalawa hanggang tatlong asosasyon, na makikinabang sa halos apatnapung indibidwal.
Ayon sa Provincial veterinary office, Ang pagsasaka ng tupa ay nangangailangan ng mas kaunting paggawa ngunit magandang pinagmumulan ng kita. Dagdag pa, ang mga magsasaka ay hindi nangangailangan ng mamahaling pabahay para sa mga tupa at maaari ring mag-alaga ng iba pang mga hayop kasama nila.
Ibinahagi ni Dr. Ralph Verzon, Provincial Veterinarian, na nagsimula ang programa nang magbigay ang Regional Veterinary Office ng 10 alagang hayop sa lalawigan noong 2015. Sa kalaunan ay dumami at dumoble ang mga alagang hayop na nagbigay ng ideya sa pamahalaang panlalawigan na gumawa ng higit pa.
Samantala, tiniyak naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Apayao sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office na patuloy nitong susuportahan ang mga programa sa ilalim ng Farmer’s Livestock School (FLS) on Sheep Production.