Naglabas ng direktiba ang Provincial Veterinary Office ng Cagayan kaugnay sa maigting na pagsasagawa ng tuloy tuloy na monitoring sa swine industry sa probinsya matapos ang pagkamatay ng mga alagang baboy at maitala ang kumpirmadong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan.
Ayon kay Dr. Noli Buen, Provincial Veterinarian, tatlong barangay ang apektado ng pagkamatay ng mga baboy sa Sanchez Mira na kinabibilangan ng Brgy. Namuac, Brgy. Masisit at Brgy. Nagrangtayan.
Kaugnay nito, unang naiulat sa Brgy. Namuac na may anim na baboy na pagmamay-ari ng dalawang magsasaka ang bigla nalamang namatay ngunit hindi na ito nakuhanan ng samples dahil agad na inilibing ng mga may-ari.
Sumunod na naiulat ang pagkakasakit at pagkamatay ng tatlong baboy sa Brgy. Masisit at batay sa nakuhang resulta ng sinuring samples ay negatibo naman ang mga ito sa sakit.
Sa Brgy. Nagrantayan ay may isang magsasaka rin na apektado kung saan unang naiulat ang apat na alagang baboy na namatay habang may anim naman na nakuhanan ng samples at nang suriin ay lumabas sa resulta na isa rito ang nagpositibo sa ASF.
Paliwanag ni Buen, ang mga baboy na nagnegatibo sa pagsusuri ay maaaring nagkaroon ng sakit tulad ng ‘pulmonía’bunsod ng pabagu-bagong klima at panahon.
Gayonman ay nakipag-ugnayan na sila sa Municipal Agriculture Office ng Sanchez Mira para sa paglalatag ng mga hakbang na makontrol ang pagkalat ng virus sa alagang baboy habang nagbigay na rin sila ng mga disinfectant sa apektadong mga magsasaka.
Sa ngayon aniya ay ipinagbabawal muna ang pagluluwas ng mga alagang baboy at anumang meat products na galing sa lugar na may naitalang kaso ng ASF.
Ang mga karatig na bayan na malapit sa Sanchez Mira ay nabigyan na rin aniya ng direktiba upang paigtingin ang kanilang mga quarantine checkpoints upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.