Pinangunahan ng Department of Agriculture ang inilunsad na Agribusiness Support for Promotions and Investment in Regional Expositions (ASPIRE) na ginanap sa isang malaking mall sa Tuguegarao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni Roberto Busania, regional technical director for Operations and Extension ng DA RO2 ang kahalagahan ng ASPIRE na may layuning itampok ang mga pangunahing commodities ng rehiyon at magkaroon ng pagkakataong kumita ng malaki ang mga agri-producers o magsasaka.
Kasabay ng patuloy na pagkalugi ng mga magsasaka sa kanilang mga ani, hinikayat ni Busania ang mga ito sa pagkakaroon ng value adding o magbenta ng bigas sa halip na palay para kumita ng malaki.
Sa naturang proyekto, tuturuan ang mga magsasaka mula sa primary industry o produksyon patungong secondary industry o manufacturing at processing ng produkto hanggang tertiary industry o pagbebenta sa mga naprosesong produkto sa merkado.
Bahagi rin ng proyekto na palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka sa packaging ng mga produkto sa tulong ng ibat-ibang ahensiya ng gubyerno.
Bukod sa mga magsasaka, nasa 40 agri-processors ang nakikibahagi sa apat na araw na aktibidad na magtatagal hanggang July 7.
Katuwang ng DA sa naturang proyekto ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).