Hinikayat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko na makipagtulungan sa ahensya kaugnay sa isinasagawang malawakang suvey na may kinalaman sa pagpaplano ng pamilya at kalusugan o ang tinatawag na National Demographic and Health Survey.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Maryjane Cabauatan, supervising statistical specialist ng PSA-Region 2 na mahalaga na makuh ang tamang datos sa naturang survey sapagkat magiging basehan ito ng ibat-ibang ahensya ng gubyerno sa pagpaplano para sa ikauunlad ng bansa.
Ayon kay Cabauatan, sakop ng survey o ang mga respondents nito ay mga babae na edad 15 hanggang 49 kung saan target ng ahensya na makapanayam ang nasa 1,751 households sa buong rehiyon dos o mahigit 300 respondents sa limang lalawigan.
Layuning ng survey na makakuha ng impormasyon kaugnay sa kung gaano karami ang nagiging anak ng isang babae o fertility, paraan ng pagpaplano ng pamilya, edukasyon, kalusugan at nutrisyon at marami pang iba.
Sinabi ni Cabauatan na kabilang sa mga tinatanong sa mga respondents ay kung gumagamit ito ng family planning method at kung anong method ito.
Para sa katanungan sa kalusugan at nutrisyon ay kung nagpapakonsulta ba sila kung maysakit, kanino o saang pasilidad nagpapakonsulta, bakuna na natanggap ng isang sanggol at maraming iba pa.
May mga katanungan din tungkol sa sakit na HIV at AIDS at maging sa violence against women gaya ng kung sila ay nakaranas nang saktan ng kanilang asawa o kinakasama at ng ibang tao.
Tiniyak din ni Cabauatan na lahat ng datos na makukuha sa sensitibong survey ay mananatiling confidential o walang makakaalam at wala ring pangalan ng respondents ang maaring lumabas sa kanilang pag-uulat.
Ang dalawang buwang survey na isinasagawa kada limang taon ay sinimulan ng PSA nitong Mayo-2 at magtatapos sa Hunyo-22, ngayong taon.