Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa publiko laban sa mga pekeng temporary Certificate of No Marriage (CENOMAR) na iniaalok online.

Ayon sa PSA, wala umanong umiiral na ganitong uri ng dokumento, at malinaw na panlilinlang ang ginagawa ng ilang indibidwal sa social media.

Ipinaliwanag ni Emilio Querubin Jr. ng PSA Civil Register Management Division na hindi nawawala ang rekord ng kasal sa kanilang database.

Kaya’t kahit pa hiwalay na ang mag-asawa, hindi ito nangangahulugang itinuturing nang single ang isa sa kanila sa mata ng batas—maliban na lamang kung dumaan sa proseso ng annulment.

Isa sa mga naka-engkwentro ng ganitong alok ay si “Cynthia,” isang OFW na matagal nang hiwalay sa asawa.

-- ADVERTISEMENT --

Umaasa umano siya na makakatulong ang dokumento upang makalaya sa matagal nang kasal.

Gayunpaman, muling iginiit ng PSA na madali lang matukoy kung peke ang isang CENOMAR at maaaring humantong sa legal na problema ang paggamit nito.