Ihaharap ng House prosecution team ang mga opisyal ng Philippine Statistics Authority o PSA upang patunayan ang alegasyon na may mga kathang-isip na indibidwal na tumanggap umano ng confidential funds ng Office of the Vice President o OVP.

Ayon kay Bicol Saro party-list prosecutor Terry Ridon, kabilang sa mga pangalan na lumitaw sa acknowledgment receipts sina Mary Grace Piattos at Milky Secuya, ngunit wala umanong katumbas na records sa PSA na magpapatunay na sila ay ipinanganak, ikinasal o namatay sa Pilipinas.

Layunin umano ng prosecution na ipakita na fictitious o hindi totoong mga indibidwal ang ilan sa mga nakalistang recipient at may naganap na iregularidad sa paggamit ng pondo ng bayan.

Nauna nang iniharap ng prosecution ang Notice of Disallowance o ND ng Commission on Audit na tumukoy sa disbursement ng confidential funds ng OVP. May final ND na para sa P73 milyon na confidential fund noong 2022, habang nasa apela naman sa COA Proper ang P375 milyong disbursement noong 2023.

Samantala, sinabi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na handa silang ipaliwanag ang paggamit ng mga alias, kabilang ang pangalang Mary Grace Piattos, sa tamang panahon.

-- ADVERTISEMENT --