Nagsagawa ng public hearing and consultation ang konseho ng Tuguegarao sa pangunguna ng committee on environment and laws upang matukoy ang iba pang polisiyang ilalatag sa isinusulong na ordinansa kaugnay sa pagkakaroon ng septage treatment and disposal facility sa lungsod.

Ito ay matapos na magkaroon ng joint venture agreement ang City Government katuwang ang Metropolitan Tugeugarao Water District (MTWD) at ng Envirokonsult Equipment and Services Incorporated, ang kumpanyang mangangasiwa sa nasabing pasilidad.

Ang septage treatment and disposal facility ay isang pasilidad na mangangasiwa sa pagsipsip ng mga human waste mula sa mga septic tank ng mga residente ng lungsod na kabilang sa nasa listahan ng mga member consumer ng (MTWD).

Ayon kay City Councilor Raymund Guzman, nakapaloob sa ordinansa ang pagtatayo ng nasabing pasilidad sa disposal facility ng City Government sa Brgy. Carig Norte.

Sakaling aniyang maipasa ang panukalang ordinansa ay ang MTWD ang mangongolekta ng evironmental fee na ipapaloob sa monthly bill ng mga member consumer.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng panukala ay nakapaloob ang P3.00 per cubic meter na babayaran ng mga member consumer kung saan ito ay bayaran ng hanggang limang taon.

Paliwanag ni Guzman, ang nasabing kumpanya ay otorisado at may kaukulang dokumento alinsunod sa mandato ng environmental laws.

Sinabi niya na sila na rin ang mangangasiwa sa maintenance at operasyon nito gamit ang kanilang mga high tech na kagamitan upang malinis ang mga septic tank at dadalhin ang mga natatanggal na dumi sa kanilang material recovery facility upang maiproceso at gagawing pataba sa mga halaman.

Saad ng opisyal, nakakatanggap sila ng mga impormasyon na ang ibang nagsasgawa ng kahalintulad na hakbang sa lungsod ay hindi compliant sa environmental laws at itinatapon na lamang ang mga nasisipsip na dumi kung saan saan at ito ay mapanganib sa kalusugan ng publiko.

Kung ikukumpara aniya ay mura ang babayaran sa Envirokonsult at ligtas din dahil dumadaan sa tamang proceso at natututukan ng pamahalaan ang kanilang operasyon dahil ito ay pagtitibayin sa pamamagitan ng kontrata at ordinansa.

Ang panukalang ordinansa ay dadaan pang muli sa ikalawa hanggang huli at pinal na pagbasa bago maaprubahan sa konseho at maipatupad sa lungsod.