Kinumpirma ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na kasalukuyang tinatalakay ng Department of Agriculture (DA) ang planong pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo para sa mga public school teacher sa susunod na buwan.

Bahagi ito ng pagpapalawak ng programang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” na unang inilunsad para sa mga senior citizen, PWD, solo parent, at mga benepisyaryo ng 4Ps.

Layunin ng ahensya na maisama ang mga guro bilang bagong benepisyaryo ng naturang programa upang matulungan silang maibsan ang gastusin sa pang-araw-araw na buhay.

Ayon kay De Mesa, posibleng simulan ang distribusyon ng murang bigas sa mga piling lugar sa Region 2 at Region 3 sa darating na Agosto, habang patuloy na pinag-aaralan ang mekanismo upang matiyak ang maayos na distribusyon at maiwasan ang duplication ng mga benepisyaryo.

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 120,000 minimum wage earners na ang nakikinabang sa programa mula pa noong Hunyo.

-- ADVERTISEMENT --

Ang proyektong ito ay isa sa mga pangunahing pangakong kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na layong tiyakin ang abot-kayang presyo ng bigas para sa mga mamamayang Pilipino.