TUGUEGARAO CITY- Pinapayagan ang public transport sa extended Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Tuguegarao City.
Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na maaaring magsakay ng dalawang pasahero lang ang mga tricycle subalit kailangan sumunod pa rin sa inilatag na color coding sa kanilang pamamasada.
Ang iba pang public transport tulad ng van at iba pa ay sumunod sa limited capacity ng mga pasahero habang ang mga papasok naman ng lungsod na galing sa ibang lugar na sumakay ng eroplano ay kailangan na magpakita ng negative result ng anti-gen o swab test bago payagang makapasok sa Tuguegarao.
Idinagdag pa ni Soriano na pinapayagan ang 100 percent work force sa mga government agencies subalit nasa discretion pa rin ng head ng ahensiya kung ano ang ipapatupad nilang sistema para sa kanilang mga kawani.
Ipinaalala din ni Soriano na bawal pa rin ang mga ambulant vendors, parlors at barbershops, clothing and apparel, religious at social gatherings at bawal pa rin ang dine-in sa mga pansiteria, restaurants at fast food chains.
Mananatili naman ang mga checkpoints maging sa mga barangay at kailangan pa rin ang paggamit ng covid-19 shield control pass.
Kasabay nito, sinabi ni Soriano na nangako ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na magbibigay sila ng mga food packs para sa mga apektado ng extended ECQ.
Nagsimula ang ECQ sa Tuguegarao City noong August 12 at ito na ang ikaapat na pagkakataon na pinalawig ito na magtatagal hanggang September 12, 2021.