Hinimok ni Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña ang publiko na bantayan ang mga pagdinig ng Kamara kaugnay sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, na aniya ay matagal nang inaantala.

Inaasahan na magbibigay ng testimonya sa Abril 14 si Ramil Madriaga, dating aide ni Duterte.

Ayon kay Cendaña, mahalagang mailahad ang ebidensya at katotohanan, at dapat harapin ng bise presidente ang mga akusasyon lalo na’t balak nitong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.

Nakatakda ang mga pagdinig sa Abril 14, 22, at 29, kung saan tatalakayin ang testimonya ng mga saksi at mga dokumento. Posibleng makumpleto ang pagtukoy ng probable cause bago matapos ang Abril at maiakyat ang kaso sa plenaryo pagbalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 4.

Dalawa na lamang sa apat na reklamo ang kasalukuyang dinidinig, na may kinalaman sa umano’y misuse ng confidential funds, pananakot sa mga opisyal, at iba pang paglabag sa Konstitusyon.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon at nagsampa ng perjury complaint laban kay Madriaga. Naglatag na rin ng seguridad ang mga awtoridad para sa kaligtasan ng testigo habang nasa kustodiya.