
Hinimok ni dating Integrated Bar of the Philippines President Domingo Egon Cayosa ang publiko na maging mapanuri hinggil sa mga ibinunyag ni Zaldy Co sa umanoy malawakang korapsyon at mga budget insertion sa mga flood control projects.
Ayon kay Cayosa, posible kasing gamitin ang isyu para sa sariling interes sa politika ng iilan.
Gayunman, dapat rin aniyang imbestigahan ang lahat o kung sinuman ang sangkot sa likod ng mga korapsyon at huwag hayaang mailihis ang isyu dahil lamang sa pamumulitika.
Hinamon rin ni Cayosa ang dating kongresista na umuwi ng bansa para harapin ang kanyang mga kaso at panumpaan ang mga akusasyong inilahad niya online.
Kinwestyon naman ni Cayosa ang tila installment basis na style ni Co sa paglalabas ng video ng korapsyon kasabay ng tatlong araw na kilos protesta ng Iglesia ni Kristo na maagang tinapos kahapon.










